Sunday, June 26, 2011

Tamang panahon?

Meron nga bang tamang panahon para maging basehan para masabi mong mahal mo ang isang tao? Hindi ko kasi malaman yung dahilan ng ibang tao at nasasabi nila na mahal na agad nila ang isang tao kahit na kakakilala pa lang nila dito. Wala din naman kasi tayong karapatan na husgahan ang mga taong ito. Dahil wala naman tayo sa lugar nila at hindi naman tayo ang nakakaramdam ng sinasabi nila. Ako din kasi guilty na ako ng LOVE at FIRST SIGHT. Noong una nga eh di ako naniniwala doon pero nung naramdaman ko na yun eh yun na nga. Hindi naman kasi love na agad agad yun, siguro attracted ka muna sa tao tapos biglang made-develop nalang sa love.

Siguro marami na din sa atin ang nakaranas ng ganito, yung mai-in love ka sa taong hindi mo pa ganong kakilala, or the least ma-attract ka sa kanila. Siguro nga may nakita ka agad sa taong yung na feeling mo he or she is “one in a million”. Yung tipong nabago niya yung perception mo about sa lalake o sa babae. Kung sa tingin mo dati na lahat ng babae ay malalandi, pinatunayan niyang hindi lahat ganon. Kung sa tingin mo din naman ay lahat ng lalake manloloko, ganon din napatunayan niya sayo na hindi nga lahat ganon. Ayan! Tinamaan ka na nga ng pana ni kupido.

2 weeks? 2 months? 2 days? Kahit anong oras pa yan hindi mo pa din alam kung kailan ka makakaramdam ng pag hanga sa isang tao. Kahit na alam mo sa sarili mo na hindi mo pa siya ganoong kakilala eh wala ka ng pake kasi in love ka na. Pero eto lang ang tanong ko. PAANO KUNG NALAMAN MO NA YUNG TUNAY NA SIYA? PAANO KAPAG NAKITA MO NA ANG MGA BAD SIDES NIYA? MAGUGUSTUHAN MO PA DIN BA SIYA? Oh? Napaisip ka noh? Siguro pwede mong sabihin sa sarili mo na “Ay ganyan pala siya” tapos unti unti mong nararamdaman na mali pala ang pagkaka-kilala mo sa kanya.

Kaya bago ang lahat, siguraduhin mo muna ang nararamdaman mo. Malay mo attracted or infatuated ka lang sa kanya. Hindi naman kasi masama kung kikilalanin mo muna yung tao. Tska yun naman talaga ang dapat na ginagawa. Wag ka magpadalos-dalos sa nararamdaman mo. Baka masaktan ka lang din, pero hindi pa din kita masisisi sa nararamdaman mo. Been there done that.

Saturday, June 25, 2011

Ano nga bang mailalagay ko dito?

Ito yung blog na extension ng Tumblr ko. Kaya ang mga laman nito ay halos nasa Tumblr account ko lang din. Gagawin ko nalang itong compilation ng tags kong #chickboystories sa Tumblr. Pero dahil mas exciting mag blog dito, gusto kong ituloy yung na pending kong plano na gumawa ng isang maikling kwento. Nakagawa na ako ng concept at storya pero hindi ko man lang nasimulan ang plot. Dahil din siguro inatake ako ng sakit ng lahat ng tao KATAMARAN. Pero gagawa ako ng paraan para matuloy ko na itong matagal ko ng binabalak. Pangarap ko din kasing makagawa man lang ng isang libro. Kahit na marami na kaming (ewan ko kung mabibilang ko ang sarili ko sa kanila) writer na ganitong klaseng istilo sa pag susulat ay ayos lang. Susubukan ko pa din ipamahagi ang talento (kung may talent nga ba ako) sa pag susulat. Kaya abangan niyo nalang ang ilalabas kong maikling kwento. Sa ngayon ay magbabasa muna ako ng mga blogs na fina-follow ko dito.

Nakakakaba. My ondoy story

Kapag ganitong maulan eh lagi na kong nakakaramdam ng kaba. Lalo na kapag malakas ang ulan, kahit nga walang bagyo kinakabahan na ako. Siguro dala na din to ng trauma na gawa samin ng Ondoy noong 2009. Hindi talaga akalain ang dinulot na perwesiyo noong bagyo na yun sa karamihan. Ang daming gamit na nawala, mga nasirang ari-arian, higit sa lahat madaming namatay dahil sa karumal-dumal na insidente na yun. Samin ang pinakamalaking nawala eh yung kotse namin. Bago pa lang yung kotse na yun 6 months pa lang samin, pero dahil hindi covered ng insurance yung mga fortuitous events (calamities) eh ayun walang nangyari. Hindi nanamin napagawa. Nawala nalang ng parang bula.

Buti nga yun lang ang nawala samin. Paano kung napano ang isa sa amin? Napakahirap siguro lunukin noon. Naaalala ko pa, nung tumataas na yung baha at nakapasok na sa bahay namin, dali dali kong binaklas tong computer ko. Sabi ko talaga sa sarili ko in case na abutin gang bubong yung baha kailangan maging sharp ako. Kinuha ko lahat ng pwede naming gamitin na pwedeng lagyan ng gamit. Nag punta ko ng kusina, sakto ang daming bag nilagay lahat ng dapat ilagay. Tumataas lalo ang baha hindi na maganda to sabi ko. Habang nakikipag-kwentuhan pa ang mama ko habang umiiyak sa telepono sa lola ko sabi ko sa kanya umalis na kami at lumipat sa kabilang bahay.

Wala kasi kaming second floor, kaya nung ayos na ang lahat kinuha ko yung 3 cup noodles binitbit lahat ng pwedeng bitbitin, sugod sa baha, lipat sa kapit bahay. Nakalimutan ko yung computer ko, umuwi ako mag isa. Kinakabahan na talaga ako nito. Napapaiyak na ako, sabi ko kung mamamatay na ako ngayon bahala na si God sa amin. Pero ayos naman at nakaligtas. Alam mo sinuot ko nun? Plastic ng basura. Dahil sa nilalamig na ako, wala na kong choice, binutas ko yun at isunuot sa sarili.

Kinabukasan humupa ang baha, pag pasok ko ng bahay ang baho sobra. Nakatumba ang TV. Pero may nakita akong kamangha-mangha talaga.NAKITA KO SI STO. NiƱo na paa lang ang nadumihan. Nakatayo pa din siya at parang walang nangyari, samantalang mas mababa ang kinalalagyan niya kaysa sa TV namin. Doon ko napatunayan na meron ngang himala. Basta mananalig ka lang sa taas. Kaya ngayong ganitong may kalamidad nanaman wag tayong makalimot mag dasal. Mag ingat tayong lahat.

Friday, June 10, 2011

Miss parehas lang tayo.

Ayoko sa mga babaeng laging ipinamumukha sa madla na sila ang kawawa at sila ang api. ‘Yung tipong sila palagi ang agrabyado pagdating sa isang relasyon. May mga kaibigan kasi ako na palaging nagsusumbong na ganito daw ang mga lalaki, palagi daw nanloloko, etc. Nakakapagod nang marinig ang ganyan, sa totoo lang. Bakit nakakapagod? Wala na kasi sa lugar at kulang sa lohika. Isa pa, mababaw at walang basehan. May mga kilala ako na hindi nila ma-realize na silang mga babae pala ang nagkulang.

Naging tipikal na sa karamihan ng Pilipino na isisi sa lalaki ang bawat pagkakamali ng isang relasyon. Nakakalungkot, pero ganyan madalas ang set-up. Kapag may nakitang isang babae sa sulok at umiiyak, sasabihin ay pinagmalupitan ito ng boyfriend niya. Madalas, ganun ang tingin sa lalaki kapag nakikita ng sinuman ang isang babae na humahagulgol.

Unfair.

May mga kakilala ako na hindi patas ang tingin sa isang relasyon. Laging may kinikilingan at hindi tinitignan ang ibang anggulo ng istorya. Sapat na sa kanilang makita na humihikbi ang isang babae at sabihing lalaki ang may kasalanan at lalaki ang palaging nagkulang.

Oo, maraming istorya sa tabi-tabi na lalaki ang madalas nagkukulang. Pero, huwag niyong ipapamukha sa amin na ganun lahat. Ang hirap sa ibang babae, hindi nila nakikita ang pagkukulang na meron din sila. Ang hirap sa ibang babae, hindi nila napapansin na nasasaktan din ang lalaki. Ang hirap sa ibang babae, akala nila ay sila lang ang nasasaktan.

Pucha, parehas lang ang daluyan ng dugo natin. Iisa lang ang anatomical structure ng puso natin. Huwag niyong sasabihin na kayo lang ang nasasaktan, naaapi, at nakukunsumi pagdating sa isang relasyon. Ganyan ang ibang babae. Hindi nakakaintindi sa nararamdaman ng lalaki. Sapat na sa ibang babae na sabihing sila ang naapi ng kanilang mga villain na boyfriends.

#codebluealert.tumblr.com

Monday, May 23, 2011

Na in-love ka sa taong in-love sa iba.

Naranasan mo na ba yang ganyang pakiramdam? Ang hirap noh. Napakabigat sa pakiramdam yung ganyan. Isa yan sa mga pinakamasakit na pwedeng mangyari kapag na in love ang isang tao. Kung iisipin mong mabuti, bihira ka na nga lang mai-inlove sa taong in love sa iba o kaya naman sa committed pa. Ang malas mo lang din eh ano? Well ganon naman talaga sa pag-ibig eh minsan hindi talaga balanse. Wala kang magawa kung hindi ang kaibiganin na lang siya at ipilit mo sa sarili mo na MASAYA KA PARA SA KANYA. Pero deep inside napapamura ka nalang at sinasabi mong SANA AKO NALANG ANG MAHAL MO.

Iniisip mo na sana lumigaya nga siya sa piling ng iba kahit na alam mo sa sarili mo na pwede din naman siyang lumigaya sayo. Tapos kapag nasasaktan na siya dahil doon sa taong mahal niya wala kang magawa kung hindi ang damayan siya. Kung kaibigan mo siya mabibigyan mo siya ng payo. Kung hindi naman wala kang magagawa kung hindi tiisin na nasasaktan ang taong mahal mo. Tapos papasok nalang sa isipan mo na sana IKAW nalang ang mahal niya. Hindi sana siya masasaktan ng ganoon kung ikaw ang mahal niya.

Pero ano ba ang dapat mong gawin? Dalawang case yan. Yung una kung committed na talaga siya eh lumayo ka nalang at maging masaya para sa kanila kahit na alam mong masakit para sayo. Pangalawa, kung hindi naman siya committed pero in love siya sa ibang tao oh kaya naman ay sa ex niya. Ang tangi mo lang magagawa eh ang mag hintay. MAGHINTAY NG TAMANG PANAHON NA NAKALIMOT NA SIYA. Siguro naman ay ayaw mo maging panakip butas lang di ba? Ito lang siguro ang madaya sa pag-ibig. Hindi mo talaga alam kung ano ang stand mo sa taong mahal mo. Swerte ka lang talaga kapag nagkataong mahal ka ng taong mahal mo.

Friday, May 6, 2011

Typical Filipino Games.

Natural sa atin bilang pinoy ang mahihilig sa sports. Simula noong bata pa lamang tayo ay natuto na tayo makipag laro sa mga kapwa natin bata. Lahat naman tayo ay dumaan sa stage na ito sa mga buhay natin. Makikipaglaro tayo sa iba tapos madadapa tayo, mapapagalitan tayo ng mga magulang natin, makikipag laro ulit sa kapwa bata. At bilang isang batang pinoy sigurado akong nalaro mo na ang mga ito:

  • Tagu-taguan - Isa sa mga popular na laro ng bata. Madalas itong gawin sa gabi dahil nga sa lyrics na kinakanta ng ‘taya’ habang siya ay nakatakip ng mata at nakatapat sa poste (tagu-taguan maliwanag ang buwan, masarap maglaro sa dilim-diliman)
  • Agawan Base - Sa larong ito naman ay nahahati ang grupo sa dalawang team. Walang limit sa bilang ng bawat team. Maghahanap sila ng poste, puno, bench, pader at kahit anong posible pang bagay para matawag nilang ‘base’. Ang tanging paraan para manalo ay ang makaabot ang isang miyembro ng kabilang grupo sa base ng kalaban.
  • 10-20 - Kilala din ito sa tawag na chinese garter. Madalas na babae ang mga naglalaro nito. Kaya kapag may nakita kang lalake na naglalaro nito, delikado si hijo.
  • Patintero - Dalawang team ulit, yung mga taya naman limited lang ang galaw nila sa mga linya sa kalsada. Ang tanging kelangan nilang gawin ay pigilan makatawid ang kabilang grupo.
  • Habulan o Mataya-taya - Pwedeng per team or kanya kanya, simple lang ang laro na to, mag hahabulan lang sila nang mag hahabulan hanggat mapalitan kung sino ang ‘taya’
  • Bang Sak - Isa sa mga paborito ng mga lalake, tanging kamay na baril lamang ang meron ang ‘taya’ at kamay na kutsilyo ang sa mga hahabulin. Kapag nakita ng ‘taya’ ang mga kalaro niya sisigaw lamang siya ng “Bang Pedro!” Dito din nauso ang salitang back stab.
  • Tumbang Preso - Kailangan mo lamang dito ng lata at tsinelas. Paunahan kayong tamaan ang lata gamit ang tsinelas niyo.
  • Luksong Baka - Yung taya naman ang naka-tuwad habang tinatalunan siya ng mga kalaro niya. (Nakalimutan ko na yung ibang mechanics nung laro)
  • Piko - Hindi din mawawala ang piko. Kelangan niyo lang dito ng kanya kanyang ‘pato’. Pwedeng kahit na anong klaseng bato. Basta meron kayong drawing na boxes na may numbers sa loob nun.
  • Langit lupa - Isa din sa mga all time favorites ng kabataan Pinoy. Ang tinatawag na ‘langit’ sa laro na ito ay yung mga bangketa, oh kaya kahit anong pwedeng tungtungan ng mga paa.
  • Bahay bahayan - Ultimate favorite to kasi pwede mong makapartner ang crush mo. Meron kayong nanay, tatay, ate, kuya. Itatrato niyo ang sarili niyo bilang isang pamilya. Chance mo na din para maging asawa mo ang crush mo.

Pero bago pa sumikat yung mga beyblade, tamiya cars, crush gears, play station at iba pa. Meron din tayong:

  • Teks
  • Pogs
  • Turumpo
  • Jolens

Iba talaga ang kabataang pinoy dati kumpara ngayon. Ngayon kasi bihira na yung mga batang naglalaro sa labas dahil lahat ng bata ngayon ang alam gawin ay facebook, dota, at kung ano-ano pang laro sa computer. Nag iiba nga ang daloy ng panahon, at sana sa pag agos ng buhay natin sabay sabay nating itaas ang ating mga kamay at sisigaw tayo ng “BIBA”

Saturday, April 30, 2011

Voice out.

Likas sa ating mga Pilipino ang pagiging mahiyain. Hindi ko alam kung dala ito ng kultura o kung ano man. Napansin ko lang marami sa atin ang hindi marunong mag voice out sa mga nararamdaman natin. Kahit na nasasaktan na tayo oh kaya naman ay naiinis na tayo mas pinipili nating manahimik. Bakit nga ba may mga taong pinipiling manahimik na lang? Siguro para maiwasan yung gulo, para di na lumala ang problema, pwede din yung natatakot sa mga consequences na pwedeng mang yari pag nag salita pa sila. Bakit ka matatakot kung wala ka namang ginagawang masama? Kung alam mong nasa tama ka at alam mong nagbibigay ka lamang ng opinyonpara sakin hindi naman masama kung sasabihin mo yung nararamdaman mo.

Ito yung mga sitwasyon ko.

1. Napansin ko lang to simula nung nasa school pa ako. Merong dalawang klase ng tao, Una yung padrino, siya yung laging kapag may mga kailangang kausaping prof o school officials siya yung front liner nung isa, na pwede nanating tawaging parasite. Kung baga kailangang laging kasama ni parasite yung padrino niya sa mga ganyang case dahil hindi niya kaya dalhin yung sarili niya. Hindi mo alam kung nahihiya ba yung taong yun o malakas lang talaga o makapal lang ang muka nung padrino. Kahit ano pang sagot dun hindi na yun importante.

2. Napansin ko din to sa pag-ibig na set up naman. Dalawa din ang klase ng tao dito. Siyempre ganon pa din isang malakas ang loob, isang torpe. Kung di ka magvo-voice out ng nararamdaman mo para sa taong gusto mo walang mangyayari sayo, mauunahan ka lang nung taong malakas ang loob. And the result? Wala loveless ka. Iiyak ka nalang sa isang sulok at magmumukmok.

3. Kapansin-pansin din to sa pulitika. Kahit hindi sa pulitika, kahit yung mga simpleng associations or groups lang. Kapag yung mga taong may ‘power’ na yung nag salita kahit MALI tumatahimik nalang yung mga members. Siguro pwedeng natatakot sila dahil wala naman silang ‘right’ para mag salita. Dahil sa inferiority at sa pwedeng punishment for such action kung nag salita pa. Isa sigurong dahilan to ng hindi natin pag asenso. Madalas kasi yung mga taong inferior yung may mga magagandang suggestions.

Ilan yan sa mga sitwasyong napansin ko. Kung hindi ka magiging matapang para i-share yung mga nararamdaman mo, walang mangyayari sayo. Bukod sa hindi ka na uusad sa buhay mo hinahayaan mo nalang na ma-stuck ka sa ‘bulok’ na sistema na meron tayo. Hindi masama mag voice out pero bago mo gawin yun siguraduhin mo munang nasa tama ka at wala kang natatapakang tao. Baka naman kasi puro salita at daldal ka nalang hindi mo na alam ang sinasabi mo. At wag ding kakalimutan na porque nag voice out ka na eh hindi ka din makikinig sa ibang tao. Dapat balanse lang palagi.HIGIT SA LAHAT ALAM MO ANG LIMITATIONS MO.

Kaya ikaw tatahimik ka nalang ba?